Mr. President, mga kasama sa ating paglalakabay sa landas ng Daang Matuwid; mga minamahal na kababayan: Una, happy Saint Ignatius Day.
Maraming ginigising na alaala itong Club Filipino. Dito nanumpa si Pangulong Cory noong 1986. Nabanggit na rin ni PNoy kanina, dito niya tinanggap ang panawagang mamuno; at dito niya unang sinabing puwede na muli tayong mangarap. Dito ko unang sinabi ang mga salitang “Bayan bago ang sarili.”
Pamilyar sa akin ang dinaanan ni PNoy; nauunawaan ko nang buo ang pagninilay na kinailangan niyang gawin noong 2009. Labas sa mga kilala talaga ako, kakaunti ang nakakaalam na hindi ko rin binalak pumasok sa gobyerno. May kapatid ako, si Dinggoy; namatay siya noong 1993. Siya sana ang ambag ng aming henerasyon sa prinsipyong pamana ng aking lolo: “Bayan bago ang sarili.” Kakambal na ng dugo namin ang kaisipang ito. Ito ang idiniin sa akin ng ama kong si Gerry at ito rin ang idinidiin ko sa anak at sa aking mga pamangkin: May obligasyon kang magsilbi; unahin mo ang kolektibo kaysa personal; palagi kang mag-ulikid sa mga kababayan mo.
Ilonggo iyon, Bisaya iyon – wala akong mahanap na katumbas na kasama ang damdamin. Nang nawala si Dinggoy, sa akin lumapag ang responsibilidad na isabuhay ang prinsipyong ito. Hindi ko ito kayang talikuran; hindi ko kayang talikuran ang alaala ng Dad at ni Dinggoy, pati na ng aking Lolo. Tungkulin ko ito: Kahit alam kong magbabago ang buhay ko, at kakailanganin kong lumabas sa nakasanayan ko. I had to do justice to what I had been taught, and to what I knew in my heart was right. I accepted the responsibility.
Doon nagsimula ang buhay ko bilang lingkod bayan. Sa maraming taon sa serbisyo, namulat ako sa mga hamon, sa requirements, sa tama at makatarungang diskarte at pagpaplano para masigurong aabot sa taumbayan ang nararapat na serbisyo. Kasama dito ang pagpapasa ng makabuluhang batas, ang pagpapatibay ng ugnayan sa pribadong sektor, ang pagbuo ng consensus na patas, kung saan tanging taumbayan lang ang panalo.
Sa pagiging lingkod-bayan, ang pinakamahalagang natutunan ko – sa pagpunta ko sa iba’t ibang mga lalawigan, at sa pakikipag-usap ko sa mga kapwa nating Pilipino, magsasaka man, o informal settler, nagtatrabaho sa call center, o ordinaryong mamamayan: Binibigkis tayo ng ating mga pangarap. Hindi iba ang pangarap ko sa pangarap ng bawat Pilipino; I wish for the Filipino people only what I would wish for myself. After all, who are we if not our dreams?
Sino ba naman ang hindi nangangarap ng buhay na maginhawa at may dignidad? Na kapag nagutom ka, may isusubo ka. Kapag nagsikap ka, aasenso ka.
Kapag may gusto ka, may ipinangarap ka, hindi mo kailangang ibenta ang dangal mo, dahil may trabaho ka, dahil may naipon ka, dahil may risonableng paraan para makamit ito. Kapag naglakad ka sa kalye, hindi mo kailagang mangamba. Kapag nagkasakit, o tinamaan ng sakuna, may darating na suporta. Kapag may maling nangyari sa iyo, makakaasa ka sa sistemang may hustisya; makukulong ang nagkasala. Sino ba naman ang hindi nangarap na hawakan ang sariling kapalaran?
Alam nating lahat, at nakita na natin nitong mga nakaraang taon: Ang mga pangarap na ito ay kayang maabot. Kailangan lang ang isang gobyernong nakatutok sa kapakanan ng taumbayan, at tumutotoo sa sinumpaang tungkulin nito; gobyernong mabilis, maliksi, at agarang nakakaresponde sa pangangailangan natin. Propesyunal, hindi transaksyunal. Walang bara-bara, walang patsamba, kundi sistematikong pagtupad sa mga pangarap natin. Isang gobyernong ang tanging pinaglilingkuran ay ang ating mga Boss na nagbigay sa kanya ng mandato at lakas.
Ito ang nasimulan natin sa Daang Matuwid. PNoy allowed us to imagine again what the Filipino is capable of.
Pasensya na po kayo, mababa talaga ang luha ko.
Malakas tayo: Kayang lumaban sa bala, sa diktador, sa pang-aapi. Matibay tayo; madapa man dahil sa sakuna o sa kahirapan, ay babangon at babangon ulit. [Palakpakan] Mabuti ang Pilipino: Kahit minsan nagsisiksikan o kinakapos na tayo, kaya nating buksan ang loob sa kapwa at sa buong mundo; kaya nating sabihing “Halika, magtungo ka dito, paghatian natin kung ano ang meron kami. Ituturing ka naming kapatid.” We are a serious people who are serious with our dreams, who have just had a taste of what serious, selfless leadership can achieve.
Mr. President, kung maaalala po ninyo, noong 2009, nag-usap po tayo, bago po ninyo tinanggap na tatakbo po kayo. Nagkasundo tayong isantabi ang personal na interes, at isipin kung para saan ba talaga tayo nagsisilbi. Sabi mo sa akin noon, “Hindi mo puwedeng talikuran ang panawagang ipagpatuloy ang laban ng iyong mga magulang.”
Sa pag-endorsong ito, ang pakiramdam ko, ipinapasa mo sa akin ngayon ang mga ipinaglaban nila.
Natatawa na lang ako sa sarili ko dahil talagang naluluha eh. Malaking karangal po iyon para sa akin, Mr. President.
Napakalaking karangalan nito; at sumusumpa ako ngayon: Hindi ko dudumihan ang pangalan nila. At lalong hindi ko dudumihan ang pangalan po ninyo.
Sa pag-endorsong ito, ipinapasa mo rin ang pangarap at lakas ng bawat isa sa isandaang milyong Pilipino. Mga Boss, hindi ko sasayangin ang tiwala ninyo.
I owe the Filipino as much; and I owe as much to you, Mr. President. I have never met a President who sacrificed so much for the country. I have never met a President who has been able to inspire so much confidence. Namuno po kayo sa pagsasabuhay ng mga paniniwala natin; ipinakita mo kung ano ang kaya nating marating gamit ang political will, ang paninindigan, ang pagkapit sa tama kahit gaano kalakas ang kalaban. Buong pagpapakumbaba akong nagpapasalamat sa iyo, at sa ating mga Boss. Hindi-hindi ako lilihis sa Daang Matuwid. Ibubuhos ko ang lahat; wala akong ititira para sa sarili ko. I will leave everything on the floor para sa labang ito.
Naniniwala ako: Hindi lang ito tungkol sa akin o kay PNoy. Ang Daang Matuwid ay tungkol sa mga pangarap ng bawat Pilipino. Sabi nga ng Pangulo: It is worth fighting for. It is worth sacrificing for, and dying for if need be.The straight path transcends me and PNoy; it is a Filipino ideal that has been there long before we were born, and will remain long after we are gone. Hinahamon tayo ng kasaysayan na isabuhay ang prinsipyong ito; na magpatuloy sa ating paglalakbay; na ipaglaban ang ating mga pangarap bilang lahi.
Mr. President, noong Lunes sa SONA, sabi mo, “Simula pa lang ito; simula pa lang ng dakilang kuwento ng sambayanang Pilipino.”
Ngayon, buong katapatan, buong-loob, at buong-paninindigan kong tinatanggap ang tawag ng Daang Matuwid. Tulad ng sinabi po ninyo, Ginoong Pangulo, “Simula pa lang ito. Laban pa rin tayo.”
Ako si Mar Roxas, tinatanggap ko ang hamon ng ating mga Boss: itutuloy, palalawakin, at ipaglalaban ang Daang Matuwid.